ARSENIO S, NAGUIT
1922 - 2009
Maraming kuwento tungkol kay Francis Magalona ng siya ay pumanaw pero mas pinili ko ang taong ito, na kasabay niyang namatay nuong araw ding yaon. Si Tatang Arsenio ay katapat lang bahay ko at araw-araw ay nagkikita kami at naghuhuntahan sa halos 5 taon na pagkakatira ko sa lungsod Quezon, at sa tagal ng panahong iyon ay itinuring na niya akong anak at kaibigan.
Isang beterano nuong panahon ng pangalawang digmaan pan-daigdig. At katulad ng tipikal na beterano ay maraming rin siyang kwento tungkol sa pakikipag-tungalian nila sa mga Hapon (aka sakang) Nguni't mas madalas ay nakikinig siya sa mga kwento ko na ang karamihan naman ay hindi totoo. Sa madaling salita trip lang ng matanda ang may ka-kwentuhan.
Si Mang Arsenio ay nakapag-asawa ng siya ay desi-sais anyos pa lamang dahil sa may ka-gwapuhan at matangkad marami rin siyang naging babae at pamilya sa mahabang panahon na pananatili niya dito sa daigdig. Kumplikado ang buhay pag-ibig niya, namatay ang una niyang asawa, dalawa ang naging anak niya dito. Sa pangalawa ay hindi siya kasal ngunit lima ang naging anak nila. At sa pangatlo ay si Aling Juliana na biyuda rin sa unang asawa, wala silang anak dahil pareho na silang matanda ng panahon na sila ay magsama. Ikinasal sila nuong 1996 sa maramihang pagkakasal na ini-sponsor ng mga mahilig mamulitikang politiko.
Hanggan sa dumating ang panahon na pinahihirapan na siya ng iba't-ibang karamdaman dahil na rin marahil sa edad niyang mahigit otsenta anyos na. Naging suki siya sa pagamutan ng mga beterano ang Veterans Memorial Medical Center.
Isang araw bago pumanaw si Mang Arsenio ay naka-pirma pa siya duon sa malaking biyaya na matatanggap ng mga beterano, siyam ng libong dolyares na siya ring dahilan kung bakit nagdatingan 'yung marami niyang kamag-anak na hindi na niya nakikita sa napakatagal na panahon. Nang-ibalita ko ito sa kanya, ay pinalapit niya ako at may ibinulong sa akin, inakala ng iba na babalatuhan ako ng matanda pero hindi ko na sinabi sa kanila yung bilin at dito ko lang sasabihin at ito ang bilin niya "Bahala ka na sa mga halaman ko ha, hindi na siguro ako makakap-dilig pa."
Sa wakas ay natapos din ang mahabang lamay at inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani.
Paalam Mang Arsenio, kaibigan, beterano at bayani.
2 comments:
touching story..ang buhay nga naman.:)
World music collection in MP3.
download mp3
Post a Comment