GUALBERTO S. MENDEZ SR. July 12, 1912 - August 20, 1977
Ang araw na ito ay kapanganakan ng namayapa kong tatay, at nais kong magbalik-tanaw sa mga ala-ala na naiwan niya sa akin mula pa nuong aking kamusmusan. Pampito ako sa sampung magkakapatid at namulat ang aking kamalayan duon sa dako ng Bago Bantay, Quezon City. (ito 'yung sa kahabaan ng Munoz hanggan sa SM north (dyan sa may EDSA na Highway 54 nuon).
Hindi ko gusto ang istilo ng tatay ko, hindi siya 'yung tipong sweet sa anak. Para bang nai-inggit ako sa mga kapit-bahay namin na close sa tatay nila at masaya. Si tatay kasi disciplinarian, parang sundalo ang trato niya sa aming magkakapatid. (Siguro puma-flashback pa sa kanya ang WWII) sundalong-gerilya kasi siya 'nung panahon ng Hapon. Tuwing ala-6 ng gabi may roll call kami, sisipol siya ng malakas at kailangan sa loob ng isang minuto at nakahilera na kaming magkakapatid sa harap niya. Ang mahuli ay may palo sa puwit, pag may kasalanan ang isa lahat kami ay papaluin sa puwit.
Minsan sa batang isipan ko nuon ay nagre-rebelde ang utak ko sa hindi makatarungan pagdi-disiplina ng tatay ko o siguro ay hindi ko na matagalan yung pagpalo niya sa aming puwitan may kasalanan ka man o wala. Pagkatapos ng roll-call at may munti kaming progama na bawat isa sa amin ay kailangan mag-perform ng tula, awit o sayaw at dito ako laging napapalo dahil ewan ko ba bata pa lang ako mahiyain na talaga ako kahit sa harap ng mga kapatid ko, at siguro mas kaya kong tiisin yung palo kesa sa mapagtawanan ako.
Pero hindi masama ang tatay ko, wala siyang bisyo yosi man o alak at walang hilig sa babae. Kadalasan ay pinapasyal niya kaming 5 magkakapatid na lalake sa may Luneta sa tabing-dagat at kailangan namin suminghot ng sariwang hangin dahil maganda raw yun sa aming kalusugan. Ang paborito kung pasayalan nuon ay ang Quiapo at Avenida. (wala pa kasing mga mall nuon) masaya na ako sa aming pagwi-window shopping sa mga eskaparate ng damit sa Escolta at sa mga hardware ng Rizal Avenue. Minsan ay ipapasok niya kami sa mga sinehan at iiwanan niya kami sa loob nito ng ilang oras (bagamat sabik ako sa mga pelikula ay may namumuong kaba naman sa dibdib ko na baka hindi na kami makita ng tatay pagbalik niya sa loob ng sinehan dahil ang tingin ko nuon ay ang dilim-dilim at maraming tao) pero magaling ang tatay ko ni minsan ay hindi niya kami naiwala. May kabuhayan kami nuon na sa standard ng iba mayaman na kaming maituturing dahil may negosyo kaming 2 panaderya (sinko sentimos pa lang ang pandesal nuon , lutong pugon at malalaki ha) at meron pa kaming groserya na maraming tinda tulad ng mantikang Purico, Star Margarine na nasa lata, naka-bungkos na kahoy ng pang-gatong, marami kaming tinda na kapag bumili ka ng sardinas o gulay may libreng asin, butil ng bawang at paminta ka pa.
Balik tayo sa tatay ko, minsan nag-trip ang tatay ko na bumalik kami ng Bohol (ito yung lugar na sinilangan niya) at magtatanim ng lang daw kami ng niyog. At ginawa niya ito dahil siya talaga ang nasusunod. Ang sumunod na eksena ay sa Tagbilaran, Bohol na nuong early 60's ay hindi pa masyadong umuunlad sa turismo 'di tulad ngayon. Ang hirap ng buhay ko pero nakita ko kung paanong nage-enjoy ang tatay ko. At sa madaling-araw naman ay nanghuhuli kami ng alimango duon sa dagat, ang daming bakawan at naiinis talaga ako dahil madalas akong matinik sa mga ugat nito. Pag-uwi namin ay magu-umaga na at yung na ring huli naming sa dagat ang pagkain namin sa almusal na may katambal na kamote at kamoteng-kahoy. Naiinis ako sa tatay ko dahil siguro hindi sanay sa ganuong lifestyle dahil nami-miss ko yung hot pandesal at tsokolateng mainit sa umaga. Pero sa paglipas ng mga panahon ay natutuhan ko na rin yakapin ang bagong-mundo ko nuon at naging masaya na rin ako sa buhay-probinsiya.
Hanggan sa dumating ang panahon na muli kaming bumalik sa Maynila pero iba na ang setting, yung nangungupahan sa amin dati ay kami na ang umuupa sa isang bahay na maliit sa dati naming malaking-compound. Muling namasukan ang aking tatay pero dahil may edad na rin siya nuon naging security guard na lamang ang trabaho niya na dati rati ay supervisor siya Bureau of Printing bago kami tumulak ng Bohol. At nagsimula na akong makaramdam ng kahirapan dahil nangungupit na ako sa tatay ko tuwing siya ay natutulog. Palipat-lipat na rin kami ng tirahan at halos di ko na mabilang kung ilang bahay na at lugar ang aming nalipatan. Hanggan sa naglakihan na at nagsipag-asawa kaming magkakapatid at napaiba't-ibang landas na rin. Hanggan sa namayapa na ang tatay ko nuong 1997 at sumunod na rin ang aking nanay pagkalipas ng isang taon.
Maraming masaya, at pangit na ala-ala ang ang aking naranasan sa piling ng aking tatay at nanghihinayang ako kahit napagsilbihan ko siya sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Pero alam kong mahal na mahal niya kaming magkakapatid hindi nga lamang siya showy tulad ng ibang Tatay.
Maligayang kaarawan..tatay at lagi kong binabanggit yan tuwing sasapit ang ika-12 ng Hulyo.