Friday, July 11, 2008

ANG TATAY KO

GUALBERTO S. MENDEZ SR. July 12, 1912 - August 20, 1977
Ang araw na ito ay kapanganakan ng namayapa kong tatay, at nais kong magbalik-tanaw sa mga ala-ala na naiwan niya sa akin mula pa nuong aking kamusmusan. Pampito ako sa sampung magkakapatid at namulat ang aking kamalayan duon sa dako ng Bago Bantay, Quezon City. (ito 'yung sa kahabaan ng Munoz hanggan sa SM north (dyan sa may EDSA na Highway 54 nuon).
Hindi ko gusto ang istilo ng tatay ko, hindi siya 'yung tipong sweet sa anak. Para bang nai-inggit ako sa mga kapit-bahay namin na close sa tatay nila at masaya. Si tatay kasi disciplinarian, parang sundalo ang trato niya sa aming magkakapatid. (Siguro puma-flashback pa sa kanya ang WWII) sundalong-gerilya kasi siya 'nung panahon ng Hapon. Tuwing ala-6 ng gabi may roll call kami, sisipol siya ng malakas at kailangan sa loob ng isang minuto at nakahilera na kaming magkakapatid sa harap niya. Ang mahuli ay may palo sa puwit, pag may kasalanan ang isa lahat kami ay papaluin sa puwit.
Minsan sa batang isipan ko nuon ay nagre-rebelde ang utak ko sa hindi makatarungan pagdi-disiplina ng tatay ko o siguro ay hindi ko na matagalan yung pagpalo niya sa aming puwitan may kasalanan ka man o wala. Pagkatapos ng roll-call at may munti kaming progama na bawat isa sa amin ay kailangan mag-perform ng tula, awit o sayaw at dito ako laging napapalo dahil ewan ko ba bata pa lang ako mahiyain na talaga ako kahit sa harap ng mga kapatid ko, at siguro mas kaya kong tiisin yung palo kesa sa mapagtawanan ako.
Pero hindi masama ang tatay ko, wala siyang bisyo yosi man o alak at walang hilig sa babae. Kadalasan ay pinapasyal niya kaming 5 magkakapatid na lalake sa may Luneta sa tabing-dagat at kailangan namin suminghot ng sariwang hangin dahil maganda raw yun sa aming kalusugan. Ang paborito kung pasayalan nuon ay ang Quiapo at Avenida. (wala pa kasing mga mall nuon) masaya na ako sa aming pagwi-window shopping sa mga eskaparate ng damit sa Escolta at sa mga hardware ng Rizal Avenue. Minsan ay ipapasok niya kami sa mga sinehan at iiwanan niya kami sa loob nito ng ilang oras (bagamat sabik ako sa mga pelikula ay may namumuong kaba naman sa dibdib ko na baka hindi na kami makita ng tatay pagbalik niya sa loob ng sinehan dahil ang tingin ko nuon ay ang dilim-dilim at maraming tao) pero magaling ang tatay ko ni minsan ay hindi niya kami naiwala. May kabuhayan kami nuon na sa standard ng iba mayaman na kaming maituturing dahil may negosyo kaming 2 panaderya (sinko sentimos pa lang ang pandesal nuon , lutong pugon at malalaki ha) at meron pa kaming groserya na maraming tinda tulad ng mantikang Purico, Star Margarine na nasa lata, naka-bungkos na kahoy ng pang-gatong, marami kaming tinda na kapag bumili ka ng sardinas o gulay may libreng asin, butil ng bawang at paminta ka pa.
Balik tayo sa tatay ko, minsan nag-trip ang tatay ko na bumalik kami ng Bohol (ito yung lugar na sinilangan niya) at magtatanim ng lang daw kami ng niyog. At ginawa niya ito dahil siya talaga ang nasusunod. Ang sumunod na eksena ay sa Tagbilaran, Bohol na nuong early 60's ay hindi pa masyadong umuunlad sa turismo 'di tulad ngayon. Ang hirap ng buhay ko pero nakita ko kung paanong nage-enjoy ang tatay ko. At sa madaling-araw naman ay nanghuhuli kami ng alimango duon sa dagat, ang daming bakawan at naiinis talaga ako dahil madalas akong matinik sa mga ugat nito. Pag-uwi namin ay magu-umaga na at yung na ring huli naming sa dagat ang pagkain namin sa almusal na may katambal na kamote at kamoteng-kahoy. Naiinis ako sa tatay ko dahil siguro hindi sanay sa ganuong lifestyle dahil nami-miss ko yung hot pandesal at tsokolateng mainit sa umaga. Pero sa paglipas ng mga panahon ay natutuhan ko na rin yakapin ang bagong-mundo ko nuon at naging masaya na rin ako sa buhay-probinsiya.
Hanggan sa dumating ang panahon na muli kaming bumalik sa Maynila pero iba na ang setting, yung nangungupahan sa amin dati ay kami na ang umuupa sa isang bahay na maliit sa dati naming malaking-compound. Muling namasukan ang aking tatay pero dahil may edad na rin siya nuon naging security guard na lamang ang trabaho niya na dati rati ay supervisor siya Bureau of Printing bago kami tumulak ng Bohol. At nagsimula na akong makaramdam ng kahirapan dahil nangungupit na ako sa tatay ko tuwing siya ay natutulog. Palipat-lipat na rin kami ng tirahan at halos di ko na mabilang kung ilang bahay na at lugar ang aming nalipatan. Hanggan sa naglakihan na at nagsipag-asawa kaming magkakapatid at napaiba't-ibang landas na rin. Hanggan sa namayapa na ang tatay ko nuong 1997 at sumunod na rin ang aking nanay pagkalipas ng isang taon.
Maraming masaya, at pangit na ala-ala ang ang aking naranasan sa piling ng aking tatay at nanghihinayang ako kahit napagsilbihan ko siya sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Pero alam kong mahal na mahal niya kaming magkakapatid hindi nga lamang siya showy tulad ng ibang Tatay.
Maligayang kaarawan..tatay at lagi kong binabanggit yan tuwing sasapit ang ika-12 ng Hulyo.

14 comments:

atticus said...

happy birthday sa tatay mo. ang sweet mo namang anak. :)

pareho sila ng tatay ko. sisipol tapos para kaming mga tuta na unahan sa pag-uwi.

kasi ang mahuhuli, papaluin niya. hay. ang sweet kong tatay. hehe.

Panaderos said...

Happy Birthday din sa tatay mo. Minsan hindi rin ako sang-ayon sa naging istilo ng tatay ko sa pagpapalaki sa amin. Iyon nga lang, I think ang importante was that he meant well through his actions and that he raised us in the best way he knew how.

ysrael said...

atticus, nakakatawa ano di kaya member ng iisang Frat ang mga tatay natin.

ysrael said...

Panadaeros, Oo nga mali ang paraan nila pero tama naman ang dahilan.Well, sa akin malaki ang naging papel ng tatay ko sa pagdi-disiplina niya, it makes me a better person pero hindi ko ia-apply yon sa mga anak ko kasi sweet na tatay ako eh.

Nyl said...

Ka-birtdey nya pala ate ko. Naaliw naman ako sa munting autobiography mo. Thanks for sharing kasi naka-relate din ako..di rin kasi showy ang tatay ko..pero alam kong mahalaga kaming magkakapatid sa kanya lalo na't pag may offer syang food para sa amin kahit kami'y matatanda na. Kaya lumaki din akong di nasanay maglambing sa mga kapatid at magulang..parang nagiging corny na ang simpleng "thank you" kung magpapasalamat at "sorry" kung nagkakamali..kasi nga di kami lumaking sanay magsabi ng nararamdaman..lahat parang nadadaan nalang sa pasimpleng conversation. Yung sa paraang di corny. Strict ang tatay ko sa oras, yung kelangan before mag sunset, nasa loob na kami ng bahay, unless may overtime sa skul.

Nubayan, napahaba yata kwento ko..hehe!sensya na.

maligayang kaarawan sa tatay mo!huli na nga pala ako sa handaan. may handaan parin ba kahit wala na sya?hehe!

zherwin said...

ganyan naman ang mga tatay ng panahon natin di ba? di masyadong showy, kung humirit ng jokes corny pero mararamdaman mo yung pagmamahal nila sa paghawak nila sa balikat mo, sa pagpalo sa puwit na me kasamang pangaral, gising sa gabi kapag me sakit ka, at marami pang iba.

kahit corny ang tatay ko, gusto kong maging katulad nya.

belated happy birthday pala kay tatay mo. :)

Anonymous said...

Maganda ang post na ito bro. Ika ng galing sa puso - ang totoong karanasan natin.

Ganyan din ang tatay ko - walang bisyo at makapamilya at hindi showy. Maraming kaming hindi napagkasunduan noong teenager pa kao subalit sa bandang huli, narmdaman ko ang wisdom ng kanyang pag-iisip, and in a big way, humanga ko sa mga traits nya, esp in the area of maintaining one's dignity :)

ysrael said...

Nyl, Corny nga talaga pag showy, pero nuong bata pa ako ito ang gusto ko 'yung nilalambing ako para kasi kaming military nuong araw, kung sabagay nakatulong ito sa akin dahil naging disiplinado ako.

ysrael said...

zherwin,
Totoo ka 'dyan, bro. TY

ysrael said...

bw,
Salamat sa iyo, salamat din at nauso ang blog dahil may mga karanasan at mga ala-ala na gusto nating ilabas.

Dine Racoma said...

salamat sa visit mo sa blog ko. medyo nahirapan akong magbasa ng fully tagalog na post mo, pero ok lang, paminsan minsan naman magbasa ng tagalog. malaman naman ang post mo, at ang tatay mo ay isang mapagmahal at respondableng tatay. dad ko naman, super higpit, kaya ako ngyon maluwag sa aking mga anak. and it worked naman, kanya kanyang style naman, di ba? happy birthday sa tatay mo, at sa yo din, happy 50th

lei said...

belated happy birthday po sa tatay mo.

tatay ko iba din ang style ng pagdisiplina samin. minsan lang yung namamalo, pag sobrang tigas na talaga ng ulo namin. hindi ko naman naranasan mapalo kase good girl naman ako :D naalala ko lang one time, nung pinalo nya yung younger brother ko na medyo nasaktan nya talaga, my father cried. kase ayaw naman daw na masaktan nya kame. kase alam nya yung sakit at ayaw nyang maranasan namin yun. dahil yung tatay nya daw e sobrang istrikto ang parusa sa kanila luhod sa mongo o asin, may kasama pang palo ng dos por dos.. yun ang style nya, ikwento nya ang kabataan nya at karanasan nya sa pagdisiplina ng tatay nya.. syempre kami naman ayaw namin ng ganun.

sweet naman ang tatay ko, kahit ngayong may mga asawa na ang iba samen, kinakarga pa nya kami at kinikiss na parang baby.. kakahiya na nga minsan pag may ibang tao. pero mas close na kami sa kanya ngayon kesa nung bata pa kami.

hmm.. may related post pala ko tungkol sa pagdisiplina ng anak.

ysrael said...

Lei,
Ang nakakatuwa marami pala ang naka-relate sa kwentong tatay na ito. Sabi nga nila "different folks, different strokes. But it was all the same pagdating na sa love at concern.

Forever59er said...

Kay ganda ng istorya at parangal na ito para sa isang tatay. Maswerte ka kay Ginoong Guillermo. Maaring mahirap tanggapin ang ganung disiplina nung araw ... pero tingnan mo kung ano ang nagawa nito kay Impostor. Maswerte din ang mga anak ni impostor kung ginawa nyan halimbawa si G. Guillermo sa kanyang pagiging ama.

Tunay akong nalugod magbasa ng blog na ito!