Monday, July 28, 2008

KUNG FU PANDA GOT SEX IN THE CITY WHILE GMA DELIVERED HER SONA.

.... sorry wala akong maisip na title (pasintabi mababaw lamang ang blog na ito)

Mula pa nuong ako'y na hayskul ay marami ng "ismo" ang tumatak sa aking isipan tulad ng kapitalismo, Imperyalismo, koloniyalismo, kumunismo. Ang mga makakaliwa (left leaning group) ang siyang pasimuno sa mga terminong ito na ibagsak lahat ng uri ng "ismo", maliban siguro sa kumunismo na hindi naman nila inaamin at di rin tinatanggi.

Tatlong magkakasalungat na isipan ang pinagtatagni-tagni ko sa linggong ito para makabuo marahil ng isang isyu. Una bakit ang isang matabang hayop tulad ng panda ay natutong mag-kung-fu sa napaka-iksing panahon para iligtas ang Tsina. Pero maa-aliw ka naman sa pelikulang ito bagamat piniratang dvd lamang ang kopya ko.

Pangalawa ang apat na makakaibigan na babae ewan ko kung nalipasan na ng panahon ang kanilang pagkababae at parang normal lang sa kanila ang magpalit ng mga karelasyong-sekswal. (dito medyo natatawagan ako ng pansin dahil parang isinasabuhay na rin ito ng ilang mga Filipina) guilt-less sex kadalasan ang tema ng mga ito pero may kakaibang karisma ito lalo na sa mga kababaihan dahil may itinuturo rin itong aral tungkol sa relasyong sekswal at emosyonal. Dito mo makikita ang lawak ng koloniyalismo ng Hollywood dahil sa loob lamang ng ilang oras ay kaya na nitong baguhin ang istilo at moral ng mga nanunood ng mga pelikula.

Ay ano ba ang masasabi ko sa SONA ng Pangulo, laging ganito naman ang senaryo taon-taon. ang buhol-buhol na trapik diyan sa Batasan, ang ingay ng mga nagma-matsa at ang pagratsada ni Gloria sa kanyang talumpati. Hindi lamang ang panunood ng sine ang kaaliwan ng mga Pinoy, libangan na rin natin ngayon ang magreklamo sa buhay.

Wednesday, July 23, 2008

Check out my SkinFlix!

My favorite segment in American Idol is the audition part. Check it out!

Tuesday, July 22, 2008

KUNG PINOY SI NOAH

Taong 2005 at isang ordinaryong middle class pinoy si Noah. Nagpakita sa kanya ang Diyos at sinabing "Pagkatapos ng isang taon ay bubuhos ang malakas na ulan at babahain ang buong kapuluan ng Pilipinas. Gusto kong gumawa ka ng isang malaking arko at isakay mo rito ang pares-pares na mga hayop at mga mag-asawang pilipino sa iba't ibang kapuluan." Ibinigay kay Noah ang specs ng Arko at taos puso nitong tinanggap ang responsibilidad na sagipin ang sambayanang Pilipino sa napipintong pagbaha.

Lumipas ang taon, muling nagpakita ang Diyos kay Noah. Walang arkong nagawa si Noah at galit na galit siyang tinanong ng Diyos, "Nasaan ang arko na ipinagawa ko sa iyo?" Tumugon si Noah, "Patawarin po ninyo ako kung di po natupad ang utos Ninyo! Kalbo na po ang kagubatan wala na pong kahoy at nagkaruon pa po ng iba't-ibang problema sa plano po ninyo."

At inilahad ni Noah ang mga sagabal na nakaharap niya sa pag-gawa ng arko. Humingi siya ng Mayor's permit pero papayag lang daw si Mayor kung ang gagawa ng arko ay ang construction firm ng kanyang pamangkin. Tumungo siya sa Congressman pero papayag lang daw si Congressman kung may matatanggap siyang 30% commission. Pumayag po ako pero nagtayo ng unyon ang mga kinuha kong manggagawa at nag-strike.
Natunugan ng mga left-leaning groups ang kanyang balak at ang mga ito ay nag-rally dahil daw sa hindi
makatarungang pagpili ng mga taong sasakay sa arko (mga taong naniniwala lang sa Diyos ang pwedeng sumakay). Nakisali sa rally ang mga bakla at tomboy dahil bias daw na normal na mag-asawa lang ang pwedeng sumakay. Ang civil society group ay nakisali na rin sa gulo dahil napag-alaman daw nila na ang pondong gagamitin sa paggawa ng arko ay galing sa donasyon ng mga gambling lords at katas ng huweteng. Sa kaguluhang ito ay napilitang magpatawag ng hearing ang senado "in aid of legislation". Sinubukan ni Noah na gamitin ang EO 464 para makaiwas sa hearing pero dahil hindi sya executive official, napilitan siyang tumistigo. Nang malaman ng senado na utos ng Diyos ang pagpapagawa ng arko, dineklara nila itong unconstitutional dahil hindi raw nito iginalang ang separation ng church at state .
Nakialam na rin ang ISAFP at DOJ na ito raw ay gagamitin ng grupong Magdalo sa binabalak nilang coup laban kay Arroyo. Nilapitan ni Noah si Mike Defensor para makipag-usap kay GMA. Payag daw si GMA na ituloy ang arko kung ipapaskil daw sa arko ang malaking mukha ni Arroyo na may slogan
"Towards a Strong Republic".

"Hindi po ako pumayag kaya hanggang ngayon po ay may TRO ang pag-gawa ng arko. Sa palagay ko po kailangan ko pa ng 10 taon para matapos ang inyong proyekto." Ang huling wika ni Noah.

Napa-iling ang Diyos at sinabing, "Di ko na kailangang wasakin pa ang bansang ito.

Friday, July 11, 2008

ANG TATAY KO

GUALBERTO S. MENDEZ SR. July 12, 1912 - August 20, 1977
Ang araw na ito ay kapanganakan ng namayapa kong tatay, at nais kong magbalik-tanaw sa mga ala-ala na naiwan niya sa akin mula pa nuong aking kamusmusan. Pampito ako sa sampung magkakapatid at namulat ang aking kamalayan duon sa dako ng Bago Bantay, Quezon City. (ito 'yung sa kahabaan ng Munoz hanggan sa SM north (dyan sa may EDSA na Highway 54 nuon).
Hindi ko gusto ang istilo ng tatay ko, hindi siya 'yung tipong sweet sa anak. Para bang nai-inggit ako sa mga kapit-bahay namin na close sa tatay nila at masaya. Si tatay kasi disciplinarian, parang sundalo ang trato niya sa aming magkakapatid. (Siguro puma-flashback pa sa kanya ang WWII) sundalong-gerilya kasi siya 'nung panahon ng Hapon. Tuwing ala-6 ng gabi may roll call kami, sisipol siya ng malakas at kailangan sa loob ng isang minuto at nakahilera na kaming magkakapatid sa harap niya. Ang mahuli ay may palo sa puwit, pag may kasalanan ang isa lahat kami ay papaluin sa puwit.
Minsan sa batang isipan ko nuon ay nagre-rebelde ang utak ko sa hindi makatarungan pagdi-disiplina ng tatay ko o siguro ay hindi ko na matagalan yung pagpalo niya sa aming puwitan may kasalanan ka man o wala. Pagkatapos ng roll-call at may munti kaming progama na bawat isa sa amin ay kailangan mag-perform ng tula, awit o sayaw at dito ako laging napapalo dahil ewan ko ba bata pa lang ako mahiyain na talaga ako kahit sa harap ng mga kapatid ko, at siguro mas kaya kong tiisin yung palo kesa sa mapagtawanan ako.
Pero hindi masama ang tatay ko, wala siyang bisyo yosi man o alak at walang hilig sa babae. Kadalasan ay pinapasyal niya kaming 5 magkakapatid na lalake sa may Luneta sa tabing-dagat at kailangan namin suminghot ng sariwang hangin dahil maganda raw yun sa aming kalusugan. Ang paborito kung pasayalan nuon ay ang Quiapo at Avenida. (wala pa kasing mga mall nuon) masaya na ako sa aming pagwi-window shopping sa mga eskaparate ng damit sa Escolta at sa mga hardware ng Rizal Avenue. Minsan ay ipapasok niya kami sa mga sinehan at iiwanan niya kami sa loob nito ng ilang oras (bagamat sabik ako sa mga pelikula ay may namumuong kaba naman sa dibdib ko na baka hindi na kami makita ng tatay pagbalik niya sa loob ng sinehan dahil ang tingin ko nuon ay ang dilim-dilim at maraming tao) pero magaling ang tatay ko ni minsan ay hindi niya kami naiwala. May kabuhayan kami nuon na sa standard ng iba mayaman na kaming maituturing dahil may negosyo kaming 2 panaderya (sinko sentimos pa lang ang pandesal nuon , lutong pugon at malalaki ha) at meron pa kaming groserya na maraming tinda tulad ng mantikang Purico, Star Margarine na nasa lata, naka-bungkos na kahoy ng pang-gatong, marami kaming tinda na kapag bumili ka ng sardinas o gulay may libreng asin, butil ng bawang at paminta ka pa.
Balik tayo sa tatay ko, minsan nag-trip ang tatay ko na bumalik kami ng Bohol (ito yung lugar na sinilangan niya) at magtatanim ng lang daw kami ng niyog. At ginawa niya ito dahil siya talaga ang nasusunod. Ang sumunod na eksena ay sa Tagbilaran, Bohol na nuong early 60's ay hindi pa masyadong umuunlad sa turismo 'di tulad ngayon. Ang hirap ng buhay ko pero nakita ko kung paanong nage-enjoy ang tatay ko. At sa madaling-araw naman ay nanghuhuli kami ng alimango duon sa dagat, ang daming bakawan at naiinis talaga ako dahil madalas akong matinik sa mga ugat nito. Pag-uwi namin ay magu-umaga na at yung na ring huli naming sa dagat ang pagkain namin sa almusal na may katambal na kamote at kamoteng-kahoy. Naiinis ako sa tatay ko dahil siguro hindi sanay sa ganuong lifestyle dahil nami-miss ko yung hot pandesal at tsokolateng mainit sa umaga. Pero sa paglipas ng mga panahon ay natutuhan ko na rin yakapin ang bagong-mundo ko nuon at naging masaya na rin ako sa buhay-probinsiya.
Hanggan sa dumating ang panahon na muli kaming bumalik sa Maynila pero iba na ang setting, yung nangungupahan sa amin dati ay kami na ang umuupa sa isang bahay na maliit sa dati naming malaking-compound. Muling namasukan ang aking tatay pero dahil may edad na rin siya nuon naging security guard na lamang ang trabaho niya na dati rati ay supervisor siya Bureau of Printing bago kami tumulak ng Bohol. At nagsimula na akong makaramdam ng kahirapan dahil nangungupit na ako sa tatay ko tuwing siya ay natutulog. Palipat-lipat na rin kami ng tirahan at halos di ko na mabilang kung ilang bahay na at lugar ang aming nalipatan. Hanggan sa naglakihan na at nagsipag-asawa kaming magkakapatid at napaiba't-ibang landas na rin. Hanggan sa namayapa na ang tatay ko nuong 1997 at sumunod na rin ang aking nanay pagkalipas ng isang taon.
Maraming masaya, at pangit na ala-ala ang ang aking naranasan sa piling ng aking tatay at nanghihinayang ako kahit napagsilbihan ko siya sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Pero alam kong mahal na mahal niya kaming magkakapatid hindi nga lamang siya showy tulad ng ibang Tatay.
Maligayang kaarawan..tatay at lagi kong binabanggit yan tuwing sasapit ang ika-12 ng Hulyo.

Thursday, July 3, 2008

PAG MAY KATWIRAN I-TEXT MO!

Parang namatay yung isyu tungkol duon sa proposal ng isang ahensiya ng gobyerno na huwag ng singilin yung mga text charge sa cell phone. Maraming natuwa kabilang na ako kaya lang ang panukala ay nag-lowbat o namatay ng tuluyan. Ako bilang isa sa mga angaw-angaw na gumagamit ng cellphone ay nagkakaroon din ng pagka-inis sa mga kompanyang nagbibigay ng ganitong serbisyo. Halimbawa ang 30 pesos na load mo ay hanggan 3 araw lang gamitin mo man o hindi, ito ay malaking panlilinlang hindi dapat ganito na sila ang magdidikta ng konsumo natin sa cell phone. Sa totoo lang maraming kababayan natin lalo na sa hanay ng mahihirap ang apektado at hindi malaman kung papaano ibaba-badyet ang kakarampot na pera na ang malaking bahagi nito kung minsan ay napupunta lamang sa pagte-text.